SA KANIYANG TALUMPATI sa pagbubukas ng eksibit bilang selebrasyon namin sa Buwan ng Wika sa Miriam College sa Lungsod Quezon, sinabi ng premyadong makatang Rebecca T. Añonuevo, ang kasalukuyang tagapamuno ng Departamento ng Filipino, ang buwan ng Agosto ay pinaniniwalaan ng matatanda na buwan na taghirap subalit kung titingnan natin ang kasaysayan ng ating bansa, napakarami ang mga mahahalagang pangyayari sa ating kasaysayan katulad ng lamang ng pagkamatay ng mag-asawang Ninoy at Cory Aquino, at ang pagkadeklara nga ng Agosto bilang buwan ng wikang pambansa, ang wikang Filipino. Samakatuwid, masagana para sa ating wika at pagkabansa ang buwan ng Agosto.
Makulay ang eksibit na ginawa ng mga estudyante namin sa mga asignaturang Filipino. May mga likhang-sining silang ginawa upang bigyan ng hubog at mukha ang napagkasunduan naming tema—“Ang Wikang Filipino Tungo sa Isang Mapagpalayang Edukasyon.” Ang isang klase ko sa Retorika gumawa ng malalaking bersiyon ng ating pera kung saan imbes na mga bayani natin ang nakalagay ay pinalitan nila ito ng mga Amerikanong personalidad—si Barrack Obama sa isanlibong piso, si Paris Hilton sa limandaang piso, si Ophrah Winfrey sa dalawandaang piso, at ang Jonas Brothers sa isandaang piso. Nanatili naman si Rizal sa baryang piso. Pagsasalarawan umano ito ng mas pagpapahalaga natin sa wikang Ingles at sa kulturang banyaga lalo na ng kulturang Hollywood, at mababa ang tingin natin sa sariling kultura.
Tampok din sa eksibit ang mga larawan, maikling talambuhay, at isang tula tungkol sa wika ng mga nangungunang makata ng bansa sa wikang Filipino tulad nina Jose Corazon de Jesus, E. San Juan, Jr., Cirilo F. Bautista, Benilda Santos, Rofel Brion, Rebecca T. Añonuevo, Roberto T. Añonuevo, Eugene Evasco, at marami pang iba. Tampok rin ang mga orihinal na tulang sinulat ng mga estudyante namin na kanilang ring itatanghal sa isang programa.
Nasa Sebuwano naman ang pambungad na pananalita ng dekana ng College of Arts and Sciences ng Miriam na si Dr. Maria Lourdes Quisimbing-Baybay. Bilang isang Sebuwana, naniniwala siya na ang iba’t ibang mga katutubong wika ng Filipinas ay malaki ang papel upang mas mapayabong ang tunay at representatibong Wikang Pambansa.
Ang tema ng selebrasyon namin sa Miriam upang ipagbunyi ang Buwan ng Wika na “Wikang Filipino Tungo sa Mapagpalayang Edukasyon” ay hindi hamak na mas makahulugan ito kaysa tema ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) na “Wikang Filipino: Mula Baler Hanggang Buong Pilipinas.” Ayon sa KWF, ganito umano ang tema nila dahil ang selebrasyon ng buwan ng wika ngayon taon ay nagkasabay sa ika-400 na anibersaryo ng munisipyo ng Baler, Aurora. Sa Baler daw kasi ipinanganak si Presidente Manuel L. Quezon, ang “Ama ng Wikang Pambansa.” Tulog ang ganitong uri ng tema at wala masyadong maidagdag sa mga pagkilos upang itanghal ang wikang Filipino na maging tunay na makabuluhan at pambansa. Kunsabagay, ano nga ba naman ang maasahan natin sa ating pamahalaan ngayon na ang mga lider ay nabibighani pa rin sa piyudalismo at neo-kolonyalismo.
Kasaysayan ng Wikang Filipino
Mahalagang maintindihan ng lahat ang kasaysayan ng Wikang Pambansa, kung paano ito nagsimula bilang Tagalog (kung saan umalma ang mga Bisaya), naging Pilipino, at ngayon nga ay Filipino na.
Napakahalaga para sa isang bansa ang magkaroon ng komon na wika na magagamit sa pakikipagtalastasan. Isang arkipelago ang Filipinas kung kaya nagkaroon ng maraming katutubong wika. Ang maganda sa penomenong ito ay nagkaroon din ng kaniya-kaniyang literatura ang bawat etnolingguwistikong grupo. Dahil sa materyal na katotohanang ito, maraming mulat na mga kritiko ng bansa katulad ni Isagani R. Cruz ang nagsasabing “isa sa pinakamayamang literatura sa mundo ay ang literatura ng Filipinas.”
Matagal na rin namang alam ng mga namumuno ng ating bansa ang kahalagahan ng isang Wikang Pambansa. Noon pa mang sinulat ang 1935 Konstitusyon, nabanggit na ang pagkakaroon ng wikang pambansa. Nakasaad sa Artikulo 14 Seksiyon 3 na, “Ang Kongreso ay gagawa ng mga hakbang tungo sa pagpapaunlad at pagpapatibay ng isang wikang pambansa na batay sa isa sa mga umiiral na katutubong wika.” (Art. 14, Sek. 3) Hindi pa nila alam noong kung ano ang wikang pambansang ito.
Noong 1936, itinatag ni Pangulong Manuel Quezon ang Surian upang mamuno sa pag-aaral at pagpili sa wikang pambansa. Tungkulin ng Surian na magsagawa ng mga riserts, gabay at alituntunin na magiging batayan sa pagpili ng wikang pambansa ng Filipinas. Si Jaime de Veyra ang naging tagapangulo ng komite na nagsagawa ng pag-aaral sa pagpili ng wikang pambansa. Napili ng komite ang Tagalog bilang batayan ng wikang tatawaging “Wikang Pambansa.”
Ipinalabas ni Pangulong Quezon noong 1937 ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 na nag-aatas na Tagalog ang batayan ng wikang gagamitin sa pagbubuo ng wikang pambansa. Dahil sa pagsusumikap ni Pangulong Quezon na magkaroon tayo ng wikang pagkakalilanlan, hinirang siyang “Ama ng Wikang Pambansa.”
Noong 1940 ipinalabas ni Pangulong Quezon Kautusang Tagapaganap Blg. 203 na nagpapahintulot sa pagpapalimbag at paglalathala ng Talatinigang Tagalog-Ingles at Balarila sa Wikang Pambansa. Bunga rin ng kautusang ito, pinasimulan ang pagtuturo ng Wikang Pambansa sa mga paaralang pampubliko at pampribado sa buong bansa.
Noong 1959 nagpalabas si Kagawaran ng Edukasyon Kalihim Jose Romero ng Kautusang Pangkagawaran Blg. 7 na nagsasaad na Pilipino ang opisyal na tawag sa wikang pambansa.
Sa 1973 Konstitusyon noong kapanahunan ng diktador na si Pangulong Ferdinand Marcos, nakasaad sa Artikulo 15 Seksiyon 2 at 3 na “ang Batasang Pambansa ay magsasagawa ng mga hakbang tungo sa pagpapaunlad at pormal na paggamit ng pambansang wikang Pilipino hangga’t hindi binabago ang batas, ang Ingles at Pilipino ang mananatiling mga wikang opisyal ng Pilipinas.”
At noong panahon ng Rebolusyonaryong Gobyerno sa ilalim ni Pangulong Corazon C. Aquino muling binago ang Konstitusyon noong 1987. Sa Konstitusyong ito nakasaad sa Artikulo 14 Seksiyon 6 na “Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Pilipinas at sa iba pang mga wika.”
Mahalaga ang papel ng mga wikang katutubo sa pagdevelop at pagpapayaman ng Filipino. Ang Filipino sa ngayon ay nagbabago na ang anyo. Idinagdag sa alfabetong galing sa Tagalog ang mga alfabet na f, j, q, v, at z. Kaya ang dapat na maging baybay ng pangalan ng ating bansa at ng pambansang wika ay Filipinas at Filipino gaya ng ipinanukala ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Literatura Virgilio Almario sa kaniyang librong Filipino ng mga Filipino: Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman ng Wikang Pambansa.
Tama rin na isama ang mga letrang tulad ng f at v kung gusto nating makapag-ambag talaga ang mga wikang katutubo sa wikang pambansa. Katulad ng lamang ng mga maraming magagandang wika ng mga Ivatan, Ifugaw, at Manuvu.
Wika at Pag-iisip-Kolonyal
Biktima rin ang ang kaluluwa ng ating bansa ng ating madugo at makulay na kasaysayan. Dahil sa likas na yaman at ganda ng ating arkipelago, pinag-agawan tayo ng mga dayuhang mananakop. Ang unang sumakop sa atin ay ang mga Kastila. Nagtagal nang halos apat na siglo ang ating pagiging kolonya ng Espanya. Makikita ang malaking epekto nito sa ating mga wika at literatura. Masyadong maraming mga katagang Kastila ang makikita sa Tagalog, Hiligaynon, Kinaray-a, Cuyunon at iba pang mga wika. Ang Chavacano nga ng Zamboanga at Cavite ay parang Kastila talaga kung pinakikinggan. Ang tawag nila dito ay “bastardized Spanish.”
Nitong Hulyo lamang, sa pagpasinaya sa unang isyu ng Perro Berde, magasing pangkulturang nasa Kastila ng Instituto Cervantez de Manila kung saan nalathala ang aking isang tulang Kinaray-a na may salin sa Kastila, sinabi ko sa mga Kastilang nandodoon kasama na ang kanilang ambasador, na isang dakilang wika ang Kinaray-a kung saan nakasulat ang dakilang epiko ng Panay na Hinilawod. Subalit sabi ko, naging masyadong hispanized na ang wika naming ito sa Antique (salita rin ito sa malaking bahagi ng Iloilo at Capiz) matapos nang halos apat na siglong pananakop ng mga Kastila. Ibang-iba na ang Kinaray-a sa Hinilawod sa Kinaray-ang ginagamit ko sa pagsusulat ngayon. Sa katunayan, dagdag ko pa, marami sa amin sa ngayon ang tumutukoy sa aming puso na “korason,” mula sa Kastilang “Corazon.” Pinalakpakan naman ako ng mga Kastilang nandodoon nang gabing iyon sa Instituto Cervantez, lalo na nang marining nila ang tula ko sa Kinaray-a na marami ngang mga salitang Kastila.
Ang dakilang manunulat na si Jose Rizal ay nasa Kastila sinulat ang kaniyang dalawang obramaestrang nobela—ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo.
Nang talunin ng mga Katipunero ang mga Kastila noong Rebolusyong 1896, atat na atat namang sinakop tayo ng mga Amerikano. Ang pinanghahawakang papel nila ay ang Treaty of Paris na kunwari ibinenta tayo sa kanila ng mga Kastila sa halagang dalawampung milyong dolyares. Napaka-cheap kung tutuusin lalo na ngayong nabulgar na kayang-kaya palang kumain ng ating presidente sa isang restawran sa New York (hindi sa Cubao ha) na dalawampung libong dolyares ang inabot na babayarin.
Nang nanaig ang imperyalistang pagnanasa sa ating bansa ng mga Kano, bigla silang nagpadala ng isang barkong mga gurong Amerikano noong 1904 na nagturo sa ating mag-Ingles. Sila ang mga Thomasites. Ganito ang tawag sa kanila na hinango mula sa barkong kanilang sinakyan na S.S. Thomas. Dahil likas na magagaling tayong mga Filipino, agad nating natutunan ang Ingles. Noong 1925, napablis sa unang pagkakataon ang isang maikling kuwento sa Ingles na sinulat ng isang Filipino—ang “Dead Stars” ni Paz Marquez Benitez. Ito ang paborito kong kuwentong Filipino sa Ingles. Sa ngayon, hindi na nating mabilang kung ilang kuwento, dula, at tula na ang nasulat ng mga kababayan natin sa Ingles. Marami na rin tayong magagaling na manunulat sa Ingles katulad ng mga Pambansang Alagad ng Sining para sa Literatura na kinabibilangan nina Nick Joaquin, F. Sionil Jose, N.V.M. Gonzales, at Edith L. Tiempo.
Ang Ingles ay hindi lamang basta-bastang pangalawang wika ng ating bansa. Naging opisyal na wika ito ng pamahalaan at kalakalan. Sa katunayan, Ingles ang wika ng ating mga hukuman. Gayundin ang wika ng Konggreso. At ang pinakamasaklap sa lahat, ito ang naging pangunahing wika ng ating mga paaralan, kolehiyo, at unibersidad.
Naging matindi ang ating pag-iisip-kolonyal.
Ang Wikang Filipino sa Edukasyon
Marami nang mga hakbang ginawa ng iba't ibang sektor upang malinang at mapalaganap ang wikang pambansa.
Noong dekada '90, naging dibdiban ang pagsalin at paglalathala sa Filipino ng mga obramaestra sa literatura mula sa iba't ibang rehiyon. Ito ang “Seryeng Panitikan” na nilahukan ng tatlong imprentang nakabase sa unibersidad—Ateneo de Manila University Press, De La Salle University Press, at University of the Philippines Press. Sa unang pagkakataon, may malaking kilusan upang mapag-isa ang watak-watak na literatura ng bansa.
Noong dekada '90 rin, nagpalabas ang University of the Philippines ng isang Palisi sa Wika. Nakalatag dito ang planong pangwika ng buong UP Sistema hinggil sa pagdevelop at paggamit ng wikang Filipino sa pagtuturo. Nagkaroon ng limang taong “transition period” bago maituro ang maraming asignatura sa wikang Filipino. Itinatag ang Sentro ng Wikang Filipino na mayroong mga sangay sa Luzon, Visayas, at Mindanao upang manguna at magkoordineyt ng mga pangangalap ng mga salita mula sa iba't ibang wika, magsalin ng mga tekstbuk, at sumulat ng pananaliksik at libro sa Filipino na magagamit ng mga guro at estudyante. Hanggang sa ngayon, aktibo pa rin ang Sentro ng Wikang Filipino. Ang kanilang jornal na Daluyan ay tunay nga daluyan ng mga teorya at praktika ng paggamit ng sariling wika sa ating edukasyon.
Nang mauso ang mga call center nitong mga nakaraang taon, unahan ang mga kolehiyo at mga unibersidad sa kanilang kabaduyan sa pag-offer ng mga sabjec na “AmSpeak,” o ang pagtuturo ng uri ng Ingles na tinatawag nilang “Standard American English.” Dahil ang presidente natin, mula noong hanggang ngayon, ay mga tuta ng Amerikano, tuwang-tuwa si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na “maraming” trabaho ang idinudulot ng mga call center na ito at dagling inutusan ang Department of Education at ang Commission on Higher Education na paigtingin ang pagtuturo at paggamit ng Ingles sa ating mga paaralan at unibersidad upang mas marami ang makapagtrabaho sa mga call center kung saan ang mga kabataang nagtatrabaho rito ay mistula nang mga bampira dahil gabi ang kanilang trabaho at marami na ang nagiging hypertensive at diabetic dahil sa kaiinom ng kape upang maproseso nang maigi ang mga order na bulaklak at pako ng mga Kano sa kabilang bahagi ng mundo. Ito ang uri ng trabaho na tuwang-tuwa si Gloria.
Kaya gulat na gulat ako na noong nakaraang buwan nagpalabas si DepEd Kalihim Jesli Lapus ng isang kautusan na gagamitin na ang katutubong wika sa pagtuturo sa elementarya sa buong kapuluan. Ibig sabihin, ang mga batang mag-aaral sa amin sa Antique ay sa Kinaray-a na tuturuan. Noong nasa elementarya pa lamang kasi ako, kasalanang mortal ang magsalita ng Kinaray-a sa aming paaralan ng mga madre. May multang 25 sentimo ang bawat katagang Kinaray-a na mausal mo.
Hindi man ako makapaniwala ay tuwang-tuwa naman ako kay Lapus. Akala ko noon, wala siyang silbi at hindi alam kung ano ang kaniyang ginagawa. Nagkunsulta raw kasi siya sa mga eksperto sa wika at edukasyon at nalaman niya na mas madaling matuto ang isang bata sa kahit anong sabject kung sa sariling wika ito tuturuan, at kung kabisado ng isang bata ang kaniyang unang wika ay mas madali siyang matututo ng iba pang mga wika. Haleluya at sa wakas naliwanagan ang DepEd!
Kaya nga kung tatanungin mo si Dr. Leoncio P. Deriada, Palanca Hall of Famer at Metrobank Outstanding Teacher, at Professor Emeritus ng Literatura sa U.P. Visayas, kung ano ang problema sa ating edukasyon sa ngayon, dagli niyang isasagot sa 'yo na ang pinakamasamang katotohanan sa ating edukasyon ay ang paggamit natin ng Ingles bilang wikang panturo. Dapat daw nating itapon kaagad ang Ingles palabas ng klasrum upang mapabuti ang ating edukasyon.
Sa ngayon, Ingles pa rin ang nananaig sa ating mga klasrum. Subalit unti-unti ay nababago ito. Sana mas mapabilis upang tuluyang maging mapagpalaya ang ating edukasyon.
Mapagpalayang Wikang Pambansa
Hindi maitatatwa na kaakibat ng wikang Pambansa ang pagiging mapagpalaya. Walang mali sa paggamit natin ng Ingles. Kung wika kasi ang pinag-uusapan, wala namang wika ang lamang o mas mababa sa ibang wika. Nagiging makapangyarihan at nagiging mapang-api lamang ang isang wika kung ito’y napopolitika. Nagiging masama lamang ang wika kung gagamitin ito upang sakupin ang isipan ng isang lahi. Nagiging masama lamang ito kung nilalason nito ang kaluluwa ng isang bansa.
Nagiging mali lamang ang Ingles kung mas pinapahahalagahan natin ito kaysa mga wikang katutubo, kung mas iginagalang natin ito kaysa ating sariling wikang pambansa.
Ayon nga sa tulang sinulat ng estudyante kong si Nicole Bundang na “Itim o Wayt” na kasama sa eksibit:
Itim ako noong isinilang.
Itim kami lahat sa aming pamilya.
Ngunit ang mga kapatid ko
Nagbago ng kulay.
Laos na raw ang itim
At wayt na ang in na in.
Ang katulad kong itim
Nagmistulang tuldok
Sa puting papel,
Nag-iisa, walang kasama
Sa mundong dating masaya.
Unti-unti raw lumiwanag
Ang bayang blak en wayt
Dahil sa mga kapatid
Na pinili ang wayt.
Sa itim! Sa itim!
Kahit maraming medalya
Talunan pa rin.
Sa puti! Sa puti!
Kahit mangmang
Hinahangaan.
Ang puting sinag
Na akala’y kapangyarihan
Ikinukubli lamang
Ang dilim ng kamangmangan.
Upang maging malaya, kailangang maging malaya ang wika. Kailangan itong isulong, kailangan itong ipaglaban:
Patuloy kong isusulong
Ang pagbawi sa
Mga itim na
Ngayo’y puti.
Ang sigaw kong ito
Di lamang para sa Luzon,
Sigaw ko ito sa buong nasyon!
Sana’y simulan ni Ina
Sa dampa ng karunungan
Upang mabigyang halaga
Ang itim na kulay.
Ang sariling kulay
Na magpapaunlad,
Magpapasaya,
Magsasalba,
Sa sinilangang bayan.
Marami ng mga hakbang mula sa iba’t ibang sektor—mga manunulat, mga unibersidad, ang masmidya—na itinitib-ong ang Filipino na maging pangunahing wikang mag-uugnay ng mga isla ng arkipelago. Kahit ang mga burgis at maka-Ingles na mga tao sa gobyerno ay may ginagawa na rin upang palaguin ang ating wikang pambansa. Dahan-dahan man ay mukhang tuloy-tuloy na ito. Matatagalan man ay mukhang solido ang direksiyong tinutungo nito.
Kailangan din naman natin ang Ingles at ang iba pang mga wikang banyaga. Sa panahon ngayon ng globalisasyon at internet, kailangan din natin ang mga banyagang wika upang makakapagkomyunikeyt tayo sa iba pang bahagi ng mundo. Sabi nga uli ng guro kong si Leoncio Deriada, ang bawat wika ay bintana natin upang matanaw natin at maunawaan ang mundo. Kung mas marami ka raw wikang alam, mas marami kang bintanang magagamit upang yakapin ang mundo nang buong-buo.
Pero dahil nga isang mahirap na bansa ang Filipinas at mas marami sa atin ang walang pagkakataong matuto ng Ingles at ng iba pang mga banyagang wika, hindi na matatawaran ang pangangailangang buuin na natin ang pambansang wika upang mas maging pantay-pantay ang lahat. Ang pagkakapantay-pantay ang tanging paraan upang maging malaya tayong lahat na mga Filipino. [Agosto 2009 / Unang nalathala sa mas maikling bersiyon na may pamagat na “Wikang Filipino at ang Kolonyal na Pag-iisip” sa gmanews.tv]
No comments:
Post a Comment