Mabuhay!

Pasyalan sa Internet ng mga Estudyante ni JOHN IREMIL E. TEODORO

Saturday, December 11, 2010

Gawain sa Labas ng Klasrum para sa Fil. 103.1


Pamagat ng Palabas: “Kuwerdas ng Panahon: A Classical Guitar Concert”
Petsa at Oras: 11 Disyembre 2010 / Sabado/ 4:00-7:00 n.h.
Venyu: Tanghalang Pasigueño, Pasig City Hall Complex
Caruncho Avenue, Pasig City


Sanaysay na Paglalarawan

Ang sanaysay na paglalarawan ay isang pagpapahayag ng mga impresyon o mga karanasang likha ng mga pandama. Sa pamamagitan ng paningin, pang-amoy, panlasa, pandinig, at pansalat, itinatala ng sumusulat ng paglalarawan ang mga detalye ng kaniyang namasid o kaya’y nakatawag ng kaniyang pansin.

Ang gawaing ito ay paggamit sa ating pandinig upang makasulat ng isang sanaysay. Dito ilalarawan natin gamit ang mga detalyeng nakabalot sa metapora o tayutay ang karanasang iniaalay ng pakikinig sa isang konsiyertong gamit ang gitara. Tampok sa palabas na ito ang pitong batang talentadong gitarista na kasapi ng HimiGitara Collective. Tutugtugin nila ang mga klasikong piyesa nina John Dowland, Johann Sebastian Bach, Fernando Sor, Domenico Scarlatti at iba pa.

Narito ang mga gagawin:

1.    Pumunta sa venyu nang isang oras na mas maaga kaysa nakaiskedyul na oras ng palabas. Tandaan: hindi gawain ng isang edukado at propesyonal na tao ang paghuli sa pagdating sa mga palabas at pagpupulong.
2.    Dapat semi-pormal o smart casual ang kasuotan sa panonood. Bawal ang tsinelas (kahit na Havianas pa ito!) at shorts.
3.    Magdala ng PhP100.00 para sa tiket. Napakamura na nito kumpara sa mga tiket ng mga palabas sa Cultural Center of the Philippines at iba pang tanghalan. Doon na bumili ng tiket sa geyt. May mesang nakalaan doon para sa mga taga-Miriam College.
4.    Huwag mag-ingay o gumawa ng kahit anong eksena na nakakatawag-pansin sa loob ng tanghalan lalo na kung nag-uumpisa na ang palabas. Patayin din o ilagay sa mute mode ang selfown. Makikita ang pagiging edukado ng isang tao sa kaniyang asal sa mga pampublikong lugar. Bilang mga taga-Miriam College, dapat marunong tayong gumalang sa karapatan ng ibang mga manonood na makinig at manood nang matiwasay sa palabas.
5.    Magdala ng notbuk at bolpen. Habang nakikinig sa konsiyerto, isulat ang impresyon sa nakikita at naririnig sa pagtatanghal gamit ang mga tayutay (Rebyuhin ang mga ito!) Hal. “Dinuduyan ang aking damdamin ng musikang nanggagaling sa mga ginintuang kuwerdas ng gitara.” Nagandahan man o napangitan sa palabas ay puwedeng isulat.
6.    Pag-uwi sa bahay, ayusin ang mga nasulat sa notbuk at gawing isang maikling sanaysay na pupuno sa isang papel lamang (Short sized bond paper, double-spaced, Times New Roman, 12 pts. Itim na tinta lamang ang gamitin). Isusumite ito sa Disyembre 16, Huwebes. Bibigyan ng markang 10/10 ang papel na ito depende sa ganda ng mga tayutay na ginamit. Irerekord ito bilang bahagi ng class standing.  
7.    Ang maikling sanaysay na ito ay idedevelop natin na maging isang mahabang sanaysay ng paglalarawan. Kumbaga, unang borador pa lamang ito. Ang sanaysay na ito ay isa sa apat na isusumite bilang pinal na pagsusulit sa Marso.
8.    Dahil nanood tayo ng konsiyertong ito, wala tayong pasok sa Fil. 103 sa Disyembre 14 at 15 (Martes at Miyerkules).
9.    Puwedeng magsama ng mga magulang, kapatid, at kaibigan sa panonood ng konsiyertong ito na bukas naman sa publiko.
10. Sa mga katanungan, mag-email sa iremil@yahoo.com . Bumisita rin sa katawkangkatipunan.blogspot.com.



                                                                                    Inihanda ni:


                                                                   G. JOHN IREMIL E. TEODORO
                                                                                    Guro sa Fil. 103.1
                                                                                    T.A. 2010-2011, Ikalawang Semestre
                                                                                    Miriam College

No comments:

Post a Comment