Mabuhay!

Pasyalan sa Internet ng mga Estudyante ni JOHN IREMIL E. TEODORO

Thursday, December 2, 2010

Si PNoy at ang Pambansang Wikang Filipino

May isang birong ipinasa sa text na ibinahagi sa akin ng isang kaguro ko tungkol kay Kris Aquino.

Sa isang pakikipagpanayam diumano ni Presidente Noynoy Aquino sa midya mayroong nagtanong: “Mr. President, kapansin-pansin po na simula nang umupo kayo bilang presidente, parang tumahimik na ang kapatid ninyong si Kris Aquino. Ano po ang nangyari sa kaniya? Parang nakabibingi po kasi ang kaniyang katahimikan."

Naku, kumunot ang noo ni PNoy. Hindi ito makangiti. Halatang nairita sa tanong. Nagsalita itong galit at tinitingnan nang masakit ang reporter na nagtanong. “Hindi ka ba nakinig sa talumpati ko sa aking inagurasyon? Di ba sabi ko wala nang wangwang?!"

Tawa ako nang tawa pagkarinig ko sa birong ito. Kahit na naiwan na ako sa faculty room dahil may klase na ang kaguro kong nagkuwento sa akin ay tawa pa rin ako nang tawa. Oo nga naman, mas tumahimik ang kalibutan ng telebisyon ngayon dahil wala na si Kris Aquino. Ang The Buzz nga, nagmukhang talk show ng mga madre dahil wala na ang mala-wangwang na bunganga ni Kris Aquino.
Pero dahil likas akong palaisip, habang tumatawa ako ay may reyalisasyon ako. Bakit sobrang nakakatawa ang birong ito? Bakit madali itong maintindihan? Isa lamang ang sagot na aking nahanap— ito ay dahil ginagamit ni PNoy ang wikang Filipino. Wikang Filipino ang ginamit niya sa kaniyang talumpati bilang bagong presidente, nasa wikang Filipino ang nasabing biro sa text, at akong tagapakinig ng biro na iyon ay kadalasang nasa wikang Filipino tuwing nag-iisip.

Ang ibig kong sabihin, hindi naging balakid ang wika sa konteksto at teksto ng birong ito na Pinoy na Pinoy kaya naging matagumpay ang biro. Diretso sa utak at puso kaya tumawa ang buo kong katawan at nakiliti pati ang aking kaluluwa.

Nanonood ako ng
SONA ni PNoy sa telebisyon habang sinusulat ko ang sanaysay na ito. Hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala na may presidente na tayong gumagamit ng wikang Filipino at hindi lamang pambungad at pangwakas na mga talata.

Tuloy kapansin-pansin ang paggamit ng Ingles sa proceedings sa Konggreso. Ang Senate President at Speaker of the House ay nag-i-Ingles pa rin. Panahon na upang gamitin ang Filipino sa Kongreso. Ang Pambansang Awit ay nasa wikang Filipino. Nasa Filipino rin ang panalangin. Kaya nagmukhang banyaga sina Enrile at Belmonte.

Sabagay, wala talaga tayong masyadong maaasahan mula sa mga tradisyunal na politiko. Lalo na sa isang nagsinungaling sa buong bayan maideklara lamang ng diktador na si Ferdinand Marcos noon ang Batas Militar.

Masyadong mabigat ang nilalaman ng SONA. Sabi nga ni PNoy, “Maraming mga suliranin…dahil inilihim at sadyang iniligaw ang mamamayan sa tunay na kalagayan ng bansa." Matay ko mang isipin, hindi mo maimadyin ang isang bilyong piso, lalo na ang isang trilyon. Titser lang kasi ako at isang mahirap na romantikong makata.

“Pagbabayaran ng mga mamamayan sa kasalukuyan ang kasakiman ng nakaraan," sabi pa ni PNoy. Kahindik-hindik din ang tungkol sa anomalya sa MWSS. Ang pinakamalaking kinatatakutan ko noong nakaraang linggo ay ang mawalan ng tubig sa aming lugar kagaya ng mga nakikita ko sa telebisyon na nag-aagawan sa tubig ang mga tao.

Kulang na nga lamang ay maghampasan sila ng balde at palanggana. Napasigaw talaga ako sa tuwa nang sinabi ni PNoy sa mga midnight appointees ng nakaraang administrasyon sa MWSS na, “Kung mayroon pa silang konting hiyang natitira sana kusang loob silang mag-resign sa puwesto nila."
Pumalakpak ako habang tumutulo ang aking mga luha nang sinabi ni PNoy na, “Ang pera ng taumbayan ay gagastusin para sa taumbayan." Kung ibang presidente ang nagsabi nito, iisipin kong pambobola lamang ito ng isang politiko. Lalo na kung sa Ingles ito sinabi. Pero dahil si PNoy ang nagsabi nito sa sarili nating wika, naging buo ang aking paniniwala.

Tungkol naman sa kapayapaan sa ating bansa, gusto ko ang mga panukala ni PNoy. Aniya, “Magkakaroon lamang ng kapayapaan kung mag-usap ang pamahalaan – ang mga Kristiyano, ang mga Muslim, at mga lumad" - para sa ikabubuti ng lahat. Bakit hindi sila mag-usap sa wikang Filipino?

Kapag sinabi kong Filipino, hindi lamang ito ang Filipinong nakabase sa Tagalog. Filipino itong payayamanin ng mga katutubong wika sa buong bansa lalo na sa Mindanao na napakarami ang mga wikang katutubo.

Matagal nang Filipino ang wika ng CPP-NPA-NDF dahil ito ang wika ng masa at mga manggagawang pinagsisilbihan nila. Mas positibo ako na may mararating ang usapan sa pagitan nila at ng gobyernong pinamumunuan ng isang presidente ginagamit ang wikang Filipino. Dapat lamang na dinggin ng sambayanan ang panawagan ni PNoy na, “Makilahok, makibahagi sa solusyon."

Kung hindi ako nagkakamali, ito ang unang SONA na nasa wikang Filipino. Dahil dito mahal ko na si PNoy at nagtitiwala sa kaniya ang buo kong pagkatao bilang isang mamamayan na nagsisikap maging mabuting Filipino. Naiimadyin ko ang masang Filipino— iyong mababa lamang ang pinag-aralan at hindi makaintindi ng Ingles—at ang mga manggagawa na nakikinig kay PNoy. Ngayon mayroon na silang presidente na nagsasalita sa kanilang wika.

Nanghihinayang at naiinis talaga ako kay Presidente Gloria Macapagal Arroyo. Sayang siya. Pinatalsik noon ng taumbayan si Presidente Erap Estrada dahil kurap ito. Ang nangyari, naging mas masahol si Arroyo.

Pagdating sa wikang Filipino, si Gloria sana ang perpektong presidente. Minsan nakinig ako sa nationwide na interbyu sa kaniyang ng isang himpilan ng radyo. Nagtatanong ang mga anchorperson mula sa iba’t ibang sanga ng estasyon mula Luzon, Visayas, at Mindanao. Hangang-hanga ako kay Gloria dahil nakakapagsalita siya ng maraming katutubong wika tulad ng Ilokano, Kapampangan, Sebuwano, at Hiligaynon.

Pero ano ang nangyari sa panahon ni Gloria? Ipinag-utos niya sa tulong ng kaniyang kalihim ng edukasyon noon na si Florencio Abad (na sa galing at suwabeng kakayahan maglipat-bakod ay nasa kampo na ni PNoy ngayon) na Ingles ang gamitin sa lahat ng antas ng edukasyon sa bansa. Natatakot kasi sila sa pagbaba ng kalidad ng Ingles sa buong bansa. Paano na lamang daw ang mga call center at paano pa makapagtrabaho sa ibang bansa ang mga mamamayan? Napakatalino talaga nilang dalawa!

Ang kawalang-galang ni Gloria sa pambansang wika ay makikita sa kung anong uring administrasyon mayroon siya. Pinili niyang tahakin ang baluktot na daan. Sa kaniyang pamamahala, namayagpag ang Balikatan Exercises ng mga sundalong Amerikano. Lalong dumami ang mga OFWs. Lalong dumami ang mga mahirap dahil wala naman talagang pakialam ang mga nasa gobyerno at mga negosyanteng Inglesero at Inglesera sa mga kapuspalad na hindi marunong mag-Ingles. Kaya wala ring pakialam sa mahihirap ang pamahalaang Arroyo.

Ang kahirapan sa ating bansa ay manipestasyon lamang ng kawalang-respeto sa pambansang wika ng mga namumuno sa atin. Ngayon pa lamang, kahit na isang buwan pa lamang nakaupo si PNoy sa MalacaƱang, mayroon na siyang espesyal na lugar sa altar ng kasaysayan ng ating bansa.

Hindi dahil sa anak siya nina dating Presidente Cory Aquino at bayaning Ninoy Aquino; hindi dahil sa kapatid siya ni Kris Aquino o dahil siya ang unang binatang naging presidente. Hindi rin dahil isa siyang presidente na hindi atat na atat tumira sa Malakanyang; At lalong hindi dahil siya lamang ang presidente na hindi gumagamit ng wangwang sa kalsada. Oo, ang mga ito ay magdadagdag sa kinang ng pagiging presidente ni PNoy, pero ang talagang magiging tatak ni PNoy bilang pinakamataas na lider ng bansa ay ang pagtahak niya sa tuwid na landas ng paggamit ng Pambansang Wikang Filipino sa mga opisyal niya na talumpati.

Napakalaking pagbabago nito sa ating gobyerno. Napakalaking pagbabago ito para sa ating bansa. Puwede na talaga tayong “muling mangarap."

Matagal nang sinabi ng mga pantas sa wika, literatura, at araling panlipunan na ang wika ang siyang kaluluwa ng isang bansa, na dito nakaukit ang kultura ng isang lahi, na ito lamang ang makakapagbuklod ng isang nasyon. Hindi na kailangan pang sabihin ni PNoy na dapat nating gamitin at isulong ang wikang Filipino. Nakasaad na kasi ito sa ating Konstitusyon.

Ang paggamit niya ng Filipino sa kaniyang mga talumpati ay ‘di hamak na mas maingay pa kaysa libong-libong wangwang na nagbubunyi ng wikang pambansa at lahing Filipino.
[Ang sanaysay na ito ay unang nalathala sa gmanews.tv noong Hulyo 27, 2010]

No comments:

Post a Comment